Sa Wakas: Pagkilala sa GALING ng CS Libraries

Sa wakas, nabigyan din ng pagkilala ang tahimik ngunit walang sawang paglilingkod ng College of Science Libraries (CS Libraries). Noong ika-6 ng Mayo 2026, pinarangalan ang CSLIB sa idinaos na 2026 Parangal at Pagkilalaa para sa mga Kawani at Retirado ng Unibersidad ng Pilipinas bilang Natatanging Pangkat: Galing ng UP Diliman —isang pagkilalang iniuukol sa mga yunit na nagtataguyod ng inobasyon, kahusayan, at makabuluhang serbisyo para sa pamantasan at sambayanan.

Sa likod ng pagkilalang ito ay ang tahimik na pagtatrabaho ng mga taong madalas hindi nakikita—mga librarian, administrative staff, custodians, at guards na araw-araw na nagsisiguro na may maaasahang espasyo para sa pag-aaral, pananaliksik, at pagkatuto ang komunidad ng agham. Mula sa 24/7 Study Nook, Research Data Services, CS Libraries eBook Hub, at iba’t ibang serbisyong digital, patuloy na pinapadali ng CS Libraries ang akses sa impormasyon at suportang akademiko para sa mga estudyante, guro, at mananaliksik.

Isang yunit lamang ang CS Libraries sa mahigit apatnapung (40) aklatan at yunit-aklatan sa buong UP Diliman. Sa kabila nito, binubuo ito ng isang central library (CSLIB) at walong institute libraries na sama-samang naglilingkod sa buong kolehiyo ng Agham. Sa likod ng lahat ng ito ay dalawampu’t isang (21) staff na patuloy na nagbibigay ng serbisyo—9 librarians, 8 administrative staff, at 4 na REPS; kasama ang 2 custodians, at 2 guards—na araw-araw na nagsusumikap upang pagandahin, pabilisin, at higit pang palawakin ang serbisyong iniaalay ng CS Libraries.

Hindi maisasakatuparan ang karangalang ito kung wala ang dedikasyon at malasakit ng bawat kasapi ng CS Libraries. Kalakip ng pagkilalang ito ang taos-pusong pasasalamat sa tiwala at suporta ng buong College of Science, gayundin ng mga estudyante, guro, mananaliksik, at mga komunidad sa loob at labas ng Unibersidad na patuloy naming pinaglilingkuran.

Sa susunod na taon, ipagdiriwang ng CS Libraries ang ika-40 taon nito sa paglilingkod. Apat na dekadang tahimik na pag-aaruga sa kaalaman, pananaliksik, at komunidad—ngayon lamang kinilala sa ganitong paraan. Ngunit higit pa sa isang tropeo o parangal, ang pagkilalang ito ay paalala na ang bawat oras ng serbisyo, bawat gabing bukas ang ilaw ng aklatan, at bawat tulong na naibibigay sa isang estudyante o mananaliksik ay may saysay.

At sa pagkilalang ito, mas pinatatag ang pangako ng CS Libraries: ang maglingkod nang may dangal at husay, may malasakit at puso, para sa Unibersidad at sa sambayanan.

 

Prepared by: C.A.B.